Hinihintay na Department of Budget Management (DBM) ang isusumiteng bagong budget proposal ng mga iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa inihahandang 2021 national budget.

Magugunitang naglabas ng National Budget Memorandum No. 136 si Budget Sec. Wendel Avisado na nag-aatas sa mga government agencies na magsagawa ng review at baguhin ang kanilang mga prayoridad na “programs, activities, and projects” (PAPs) sa ilalim ng panukalang P4.335-trillion cash budget para sa FY 2021 para naaayon ito sa pagkontrol ng pagkalat at maibsan ang epekto ng COVID-19 pandemic.

Batay sa panukala o pagtaya ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), nangangailangan ang bansa ng cash appropriation na P4.335 trillion, katumbas ng 202. percent ng ating gross domestic product (GDP) para mapabilis ang pagbawi at paglago ng ekonomiya mula sa COVID-19 crisis.

Inihayag ng DBM na ang mas mataas na panukalang cash-based budget para sa susunod na taon ay layuning suportahan ang “Build, Build, Build” program na sinasabing may pinakamalaking impact sa recovery plan ng bansa dahil lilikha ito ng mga bagong trabaho at negosyo na magpapataas sa konsumo at supply para sa mas masiglang economic activities.

Kabilang sa 2021 Budget Priorities ang pagsasaayos pa sa healthcare system ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic, pagtitiyak sa food security, pagkakaroon ng digital government at pagtulong sa mga komunidad para maka-adjust sa tinaguriang “new normal.”

Maliban sa sektor ng healthcare system at food security, prayoridad din sa 2021 budget ang pagtulong sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa pamamagitan ng MSME Resiliency Program at palawakin ang Shared Service Facilities and Regional Inclusive Innovations Centers.

Suportado rin sa nasabing budget proposal ang Balik Probinsya Program na layuning ma-decongest ang Metro Manila at mabigyan ng bagong oportunidad ang mga magbabalik-probinsya.

Para naman mapaganda pa ang governance, bibigyan ng budget priority ang fast-tracking sa implementasyon ng Philippine Identification System para mapabuti ang efficiency ang social transfer programs ng gobyerno habang suportado rin ang mga programa ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa paglalagak ng investment sa ICT facilities, e-learning platforms at digital upskilling na kritikal sa online and remote government operations.