Itinutulak na rin sa Kamara ang panuklang magbibigay ng proteksyon para sa mga mister na nakakaranas ng pagmamalupit mula sa kanilang misis.
Target ng House Bill 4888 ni Rizal Rep. Fidel Nograles na amyendahan ang Republic Act No. 9262 para gawing Anti-Violence Against Partners and their Children upang maisama ang pagmamalupit sa mga lalaki.
Iginiit ng kongresista na hindi lamang mga kababaihan at bata ang nakakaranas ng pagmamalupit kundi maging ang mga kalalakihan din, partikular na ang mga mister.
“This bill shall prohibit all forms of violence against partners and their children, in private and public life, and provides maximum protection and effective remedies for victims and punishment of offenders,” saad ni Nograles.
Nakapaloob pa sa panukala ang “electronic violence” kung saan paparusahan ang mga gumagamit ng pekeng social media sa pag-intriga o mairang puri.
Ibinida rin ng kongresista na maging iyong mga miyembro ng LGBT community ay target ding protektahan ng kanyang isinusulong na panukala.
“Violence and abuse do not discriminate. Babae man o lalake, at miyembro ng LGBT, may suffer from the deleterious effects of an abusive relationship. It’s government’s duty to protect everyone,” dagdag ni Nograles.
Samantala, muling inihain ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon ang panukalang nagpaparusa sa mga nag-aabuso at nananakit sa mga nakatatanda.
Iginiit ni Biazon na panahon na para magkaroon na rin ng batas na magbibigay ng proteksyon para mga nakatatanda sa lipunan at magpapanagot sa mga nagpapa-abuso at nagpapabaya sa mga ito.
“Violence, abuse and neglect of the elderly has no place in a civilized society and those who commit this should be penalized,” ani Biazon.
Sa ilalim ng House Bill 4980, paparusahan ang sinumang gagawa ng physical, sexual, psychological harm o suffering, o economic abuse kabilang na ang battery, assault, coercion, harassment o arbitrary deprivation of liberty laban sa mga nakakatanda.
Maging ang pagpapabaya sa mga nakatatanda ay ipinagbabawal din ng panukalang ito.
Sinumang lalabag dito, kamag-anak man o mga tagapangalaga ng matatanda, ay maaaring maharap sa pagkakakulong dipende sa bigat ng kasalanan at pagmumultahin din ng P100,000 hanggang P300,000.
Nauna nang inihain ni Biazon ang panukalang ito noong 17th Congress pero hindi ito nproseso sa Kamara.
“I am hoping that this time around, the 18th Congress will take action to show that we truly uphold the welfare of the elderly by going beyond mere commemoration of the Week of the Filipino Elderly by putting into law the protection they need against violence and abuse,” dagdag nito.