Dumating na sa bansa ang 25 na mga Filipino na galing sa Turkey na naapektuhan ng pagtama ng magnitude 7.8 na lindol.
Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang sinakyan nilang Turkish Airlnes TK0084 dakong alas-7:20 nitong gabi ng Miyerkules.
Sinalubong sila ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration.
Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo Jose de Vega na ito na ang pangalawang batch ng mga Filipino na dumating sa bansa mula ng tumama ang magnitude 7.8 na lindol isang buwan na ang nakakaraan na ikinasawi ng mahigit 46,000 katao sa Turkey at mahigit 6,000 naman sa Syria.
Tutulungan umano sila ng OWWA para makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya.
Patuloy ang ugnayan naman ng DFA sa embahad ng Turkey para matulungan makauwi pa ang mga natitirang Filipino doon.
Magugunitang noong Pebrero 28 ay mayroon na ring 25 Filipino ang nakabalik sa bansa mula sa Turkey na siyang unang batch ng repatriation program ng DFA.