-- Advertisements --

Pinaghahanda na ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga magsasaka sa Northern Luzon dahil sa paparating na malakas na bagyo.

Inatasan na rin ng kalihim ang lahat ng regional field offices na maaaring maapektuhan na gabayan ang mga magsasaka sa maaaring gawin, kasama ang paglabas ng napapanhong abiso o gabay.

Pinatitiyak din ng kalihim na may sapat na agricultural supplies na nakahanda para sa mga magsasaka bago pa man ang pagtama ng naturang bagyo.

Sa kasalukuyan, mayroon aniyang sapat na stock sa National Food Authority (NFA) upang punan ang ating pangangailangan ng mga Pilipino, sa kabila ng magkakasunod na kalamidad, tulad ng katatapos na bagyong Tino na labis na nanalasa sa Visayas at Mindanao.

Nakahanda rin aniya ang hanggang 2.6 million bags ng bigas para maipamahagi sa local government units at mga ahensiyang namamahagi ng relief supplies sa mga apektadong komunidad at posible pang maaapektuhan.

Bukas din ang DA na maglaan pa ng karagdagang bigas na ibebenta sa pamamagitan ng KADIWA ng Pangulo outlets na nag-aalok ng P20-per-kilo rice at iba pang murang mga produkto.

Pagtitiyak ng kalihim, nananatiling nakaalerto ang gobiyerno sa pagbabantay ang food supply chains sa gitna ng typhoon season.