Mananatiling nakatuon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang mandato na pagandahin ang kalidad ng buhay ng bawat Pilipino at ipagpapatuloy ang mga hakbang upang mapabuti ang kabuhayan ng mamamayan, ayon sa isang opisyal ng Palasyo nitong Huwebes.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nananatiling mataas ang tiwala ng nakararami sa Pangulo kahit pa may mga lumalabas na survey ukol sa kanyang trust at performance ratings.
Tinukoy rin ni Castro ang mga pagbabago sa antas ng kagutuman sa bansa, at bagaman kinilala niya ang mga datos, binigyang-diin niyang patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan upang tugunan ang problemang ito.
Aniya, naapektuhan ng sunud-sunod na bagyo ang mga programa ng gobyerno na naglalayong pababain ang national hunger rate.
Dagdag pa niya, hindi tumitigil ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa tulad ng Walang Gutom Program at Special Feeding Program upang matiyak ang kaligtasan at kagalingan ng mga Pilipino.
Ayon kay Castro, mahalaga ang mga survey dahil nakatutulong ang mga ito upang maikumpara ang resulta sa mga datos na hawak ng pamahalaan, subalit tiniyak niyang mananatiling pokus ng Pangulo ang kapakanan ng taumbayan higit sa mga numero.















