-- Advertisements --

Inatasan na ng Office of the Ombudsman ang binuo nitong Special Task Force sa flood control scandal na tutukan ang mga proyektong dapat sana’y makatutulong para maibsan ang epektong dulot ng Bagyong Tino.

Sa inilabas na opisyal na pahayag ng Ombudsman, tiniyak nitong gagawing prayoridad mga proyektong di’ gumana o palpak nang manalasa ang hagupit ng bagyong nagdaan.

Makaseseguro umano ang publiko na gumugulong ang imbestigasyon ng special task force para mapanagot ang mga sangkot sa maanomalyang mga proyekto.

Habang ibinahagi din ng Ombudsman ang pakikiisa at pakikiramay nito lalo na sa mga naapektuhan at biktima ng bagyo na siyang nagdulot sa pagkasawi ng ilang mga indibidwal.

Kung kaya’t inihayag ng tanod-bayan na kanilang gagawin ang lahat makamit lamang ang katarungan at maresolba ang isyu ng korapsyon kinakaharap ng bansa.

Ngunit sa kabila nito, ang ilang militanteng grupo naman na sumugod sa Office of the Ombudsman ay hinaing ang umano’y mabagal na aksyon ng tanggapan.

Giit kasi ni Mong Palatino, Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan na tila’y nagiging ‘selective justice’ lamang ang nangyayari.

Hiling niya na dapat may managot lalo na sa parte ng Cebu na maaalalang lubhang napinsala ng matinding pagbaha kamakailan nang hagupitin ng Bagyong Tino.

Ganito rin ang pananaw ni Albert Pascual, Secretary General ng Health Alliance for Democracy, naninindigan na dapat walang pinipili sa kung sino lamang ang papanagutin.

Aniya’y dapat kasama rin pati mga matataas na opisyal ng gobyerno aabot sa Malacanang o mismong kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.