Inatasan ng Office of the Ombudsman si Senador Francis Escudero na maghain ng kanyang counter-affidavit kaugnay ng mga alegasyon ng pagkakasangkot sa umano’y flood control scandal.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, nasa preliminary investigation stage na ang reklamo laban sa senador, kaya’t hinihintay na lamang ang kanyang sagot upang maipagpatuloy ang imbestigasyon.
Kabilang sa kinahaharap na reklamo ni Escudero ang alegasyon ng plunder, graft, at bribery kaugnay ng umano’y mga insertions sa national budget na may kinalaman sa mga flood control project.
Ayon sa mga pahayag na lumutang sa imbestigasyon, isinangkot si Escudero matapos umanong magsabi ang dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo na may mga proyekto na isinama sa General Appropriations Act kapalit ng komisyon o “cut.”
Lumabas din sa alegasyon na umabot sa bilyon-bilyong piso ang mga proyektong inihanda umano para sa ilang lugar, at may mga delivery ng pera na isinasangkot sa usapin.
Samantala, pinabulaanan na ni Escudero ang anumang pagkakasangkot sa mga anomalya.
Kasabay nito, sinabi rin ng Ombudsman na nasa preliminary investigation din ang hiwalay na kaso laban kay dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez kaugnay ng kaparehong isyu, partikular sa alegasyon ng money laundering at iregularidad sa national budget process.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, sinusuri ng kanilang tanggapan ang 2024 at 2025 national budget, at maaari pa itong umabot sa mga nakaraang administrasyon batay sa mga testimonya na nakuha mula sa mga pagdinig sa Senado.
Sinabi rin ng Ombudsman na bahagi ng ebidensiya ang mga pahayag na lumabas sa Senate Blue Ribbon Committee hearings kaugnay ng kontrobersiya.
















