-- Advertisements --

Magpapatupad ang Department of Agriculture (DA) ng suggested retail price (SRP) na P53 kada kilo para sa lokal na bigas bilang gabay sa mga mamimili.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nagkaroon na ng kasunduan ang DA at mga stakeholder ng bigas upang mabalanse ang kita ng mga magsasaka at kakayahan ng mga mamimili.

Nilinaw ng kalihim na hindi ito price ceiling kundi isang gabay lamang para sa consumers hinggil sa tamang presyo ng lokal na bigas.

Kasabay nito, nananatili rin ang itinakdang P50 kada kilo na price cap para sa imported five-percent broken rice sa loob ng 30 araw simula noong Mayo 15.

Ipinaliwanag ng kalihim na ibinatay ang P50 price cap sa landed import cost na nasa P37 hanggang P38 kada kilo. Ayon kay Laurel, may sapat pa ring allowance para sa logistics, spoilage, at makatwirang kita ng mga importer, trader, at retailer.

Dagdag pa niya, sisimulan ang buong implementasyon ng imported rice price cap sa susunod na linggo upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga retailer at mamimili na makapag-adjust.