Inireklamo si Caloocan Third District Representative Dean Asistio sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y hindi nagi-exist at overpriced na flood control projects na nagkakahalaga ng P79.2 million.
Inihain ni dating Caloocan Mayor Rey Malonzo ngayong Huwebes, Mayo 21 ang reklamong graft, malversation at falsification of public documents laban kay Asistio.
Kabilang pa sa mga respondent sa reklamo sina Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Ruel Umali at anim na private contracting companies.
Sa 27 pahinang reklamo, sinabi ni Malonzo na sa kabila ng napaulat pag-apruba, pagpopondo at umano’y pagpapatupad ng proyekto, ilan dito ang hindi nagi-exist, “hindi tumutugma sa inaasahan” (misrepresented) at napakababa ng kalidad na mga proyekto.
Kabilang sa mga proyekto na tinukoy sa reklamo ay ang umano’y ghost project sa distrito mismo ni Asistio partikular na ang dalawang flood control projects na milyun-milyon ang halaga sa Barangay 187 (Tala) at ang road construction sa Barangay 159. Kasama rin sa reklamo ang umano’y overpriced na covered court rehabilitation sa Barangay 187.
Ayon sa complainant, may pananagutan ang mambabatas bilang co-conspirator ng proyekto, dahil nangyari ang mga ito sa kaniya mismong distrito at sa mga tarpualin at project signages na nagpapakita ng kaniyang koneksiyon sa mga proyekto.
Sinabi rin ni Malonzo na ang kaniyang inihaing reklamo sa Ombudsman ay nagpapatibay sa mga rebelasyon sa isinagawang legislative inquiries.
Nauna na ngang inakusahan ng kontratistang si Pacifico Discaya ang 18 mambabatas kabilang si Asistio at DPWH officials na nakatanggap umano ng 10% na kickback, alegasyong nauna naman nang itinanggi ni Asistio sa kaniyang pagharap noon sa Independent Commission on Infrastructure (ICI), na binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nag-imbestiga sa maanomaliyang infrastructure projects ng gobyerno.















