Umakyat na sa mahigit 900 ang suspected cases ng Ebola sa Democratic Republic of Congo ayon kay World Health Organization (WHO) Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus.
Ito ay sa gitna ng pinaigting pang surveillance efforts sa naturang bansa.
Ayon sa WHO chief, mula sa mahigit 900 suspected cases, 101 ang kumpirmadong kaso.
Sa ulat nitong weekend, kinumpirma ng DR Congo health ministry na mayroon ng 204 nasawi dahil sa viral disease na naitala sa tatlong probinsiya ng central African country.
Matatandaang noong Mayo 15 nang ideklara ng WHO ang Ebola outbreak sanhi ng Bundibugyo strain sa Congo, na kasalukuyang wala pang aprubadong bakuna o gamot.
Ang Ebola ay isang nakamamatay na sakit na naihahawa sa pamamagitan ng direktang kontak sa bodily fluids at maaaring magdulot ng severe bleeding at organ failure.















