Mahigit 2,500 katao na ang nasasawi sa Ebola outbreak sa Democratic Republic of Congo, habang patuloy na mabilis na kumakalat ang sakit sa isang lugar na mas malawak pa kesa sa France.
Ayon kay United Nations Ebola coordinator Julien Harneis, hindi na nakakasabay ang response operations dahil mabilis na kumalat ang outbreak.
Nanawagan din siya ng karagdagang tulong dahil mauubos na umano sa loob ng ilang linggo ang kasalukuyang pondo ng organisasyon para tugunan ang epidemya.
Ang kasalukuyang outbreak ang ika-17 Ebola epidemic sa Congo at noong huling bahagi ng Hulyo ay nalampasan na nito ang dating pinakamalaking outbreak sa bansa na naganap mula 2018 hanggang 2020, batay sa bilang ng mga tinamaang kaso.
Ang outbreak ay dulot ng Bundibugyo species ng Ebola, kung saan wala pang aprubadong bakuna o gamot para rito.
Samantala, nasa 160 health workers na umano ang nagkakasakit at 43 sa kanila ang nasawi.
Bukod sa virus, nahaharap din sa panganib ang mga health worker dahil sa mga pag-atake ng ilang residente.
Sa nakalipas na anim na buwan, mahigit 260 insidente ng pag-atake sa health workers ang naitala, kabilang ang walong namatay.
May mga ambulansyang binabato at sinusunog at ilang health facilities din ang inatake dahil sa takot at galit ng mga residente.
May ilan ding naniniwala sa mga maling impormasyon na gawa-gawa lamang ang outbreak.
Samantala, sinabi ni Harneis na nakadagdag sa problema ang pagbawas sa humanitarian aid nitong mga nakaraang taon.
Nahihirapan din ang mga awtoridad na bayaran ang ilang libong personnel na tumutulong sa Ebola response dahil naapektuhan ang banking services matapos ipahinto ng gobyerno ang commercial flights na ginagamit sa pagdadala ng cash sa mga bangko.
Dahil dito, nanawagan ang UN ng mas suporta upang mapalakas ang medical response at mapigilan ang patuloy na pagkalat ng Ebola.
















