-- Advertisements --

Binabantayan ng mga health authorities sa Brazil ang dalawang pasyente na posibleng may Ebola infection sa mga lungsod ng Sao Paulo at Rio de Janeiro, kasabay ng pangamba sa posibleng pagkalat ng virus mula sa Central Africa patungong ibang bansa.

Nabatid na isang 37-anyos na lalaki mula sa Democratic Republic of the Congo (DRC) ang nakitaan ng lagnat at isinailalim sa isolation bilang suspected case ng Ebola. Gayunpaman, sa unang pagsusuri ay negatibo ito sa Ebola virus, ngunit patuloy pa rin siyang mino-monitor sa isang specialized infectious disease facility bilang pag-iingat.

Samantala, sa Rio de Janeiro, isang lalaki mula Uganda ang isinailalim din sa mga safety protocol matapos makaranas ng mga sintomas tulad ng ubo, panginginig, at pagtatae.

Ayon sa mga opisyal, nagpositibo ito sa malaria, ngunit nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon upang tuluyang maalis ang posibilidad ng Ebola virus sa mga naturang lungsod.

Ang mga hakbang ay kaugnay parin sa patuloy na Ebola outbreak sa Democratic Republic of the Congo, kung saan mahigit 1,000 suspected cases at halos 250 na ang naitalang mga nasawi mula nang ideklara ang outbreak noong Mayo 15, ayon sa Africa Centres for Disease Control and Prevention.