Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagdiriwang ngayong araw ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani.
Sa mensahe ng punong hhekutibo, binibigyang pugay niya ang lahat ng mga kababaihan at kalalakihan na nagpamalas ng kakaibang katapangan at giting sa pakikipag-laban at nagsakripisyo alang-alang sa bayan.
Sinabi ng Pangulo na hindi dapat na malimutan ang naging legacy ng ating mga bayani sa kanilang naging pag-aalay ng buhay at magagawa na aniyay nakikita din naman ngayon sa ating mga medical professionals, civil servants, uniformed personnel at mga ordinaryong mamamayan.
Ang kanilang mga gawa ayon sa pangulo ay hindi lamang nagpapa-alala sa pagiging maharlika ng ating lahi kundi isang paghikayat din upang makibahagi ang bawat isa sa pagtataguyod ng matatag na bansa.
Sa huli ay inihayag ni Pangulong Marcos na ang bawat isa’y may kani-kanyang taglay na kabayanihan na maaaring ipagmalaki at magsilbing inspirasyon sa mga susunod na henerasyon.