-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na tuluyan nang lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Isang ngayong Sabado.

Ayon sa pinakahuling ulat, taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hangin na umaabot sa 65 km/h at bugso na hanggang 80 km/h, habang kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 25 km/h.

Bagama’t wala na ito sa loob ng PAR, patuloy nitong pinapalakas ang habagat, kaya’t inaasahan pa rin ang mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao.

Una nang itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang lugar sa Northern Luzon, kabilang ang Ilocos Region, Cordillera, at bahagi ng Cagayan Valley.

Pinapayuhan ang publiko na mag-ingat pa rin sa posibleng pagbaha, landslide, at malalakas na bugso ng hangin.

Patuloy ang monitoring ng mga ahensya ng pamahalaan sa mga epekto ng bagyo at habagat.

Inaasahan ding magpapatuloy ang pag-uulan sa mga susunod na araw, kaya’t mahalagang manatiling nakaantabay sa mga opisyal na abiso.