Inimbitahan ni Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz ang Chinese divers at tour operators para makipag-partner sa mga organisasyon sa ating bansa na bumuo ng sustainable dive products at mga serbisyo.
Ginawa ng Philippine envoy ang imbitasyon kasabay ng Diving Resort and Travel Show Expo, na itinuturing bilang pinakamalaking dive expo sa buong Asya na idinaos noong Agosto 8 hanggang 10 sa Beijing.
Ito ay sa kabila pa ng nagpapatuloy na tensiyon sa pagitan ng PH at China sa West Philippine Sea.
Ayon sa kay Ambassador FlorCruz, nananatiling pursigido ang bansa na maitaguyod ang sustainable tourism at mapalakas pa ang people-to-people exchanges sa pamamagitan ng partnerships na poprotekta sa marine environment.
Base naman sa Embahada ng Pilipinas sa China, ang ating bansa ang natatanging nakaposisyon para makaabanse sa mabilis na lumalagong dive tourism market sa China, na kasalukuyang fastest-growing dive market sa buong mundo.
Samantala, sa naturang expo, nakuha ng Pilipinas ang pretihiyosong “Island Charm” award para sa malakas na presensiya at pambihirang mga handog nito sa diving market.
Ang Pilipinas naman ang magsisilbing host sa susunod na expo na gaganapin na sa Setyembre.
Samantala, matatandaan na naiuwi ng Pilipinas ang “best diving destination” award mula sa prestihiyosong expo noong nakalipas na taon na ginanap din sa Beijing.