Kinumpirma ni Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na may mga nakahanay na maritime activities ang Pilipinas kasama ang Amerika at iba pang like-minded nations.
Ito ang naging kasagutan ng PN official nang matanong kung ikinokonsidera ang pag-tap sa gobyerno ng Estados Unidos para sa presensiya ng kanilang mga barko sa Scarborough Shoal na naging sentro ng tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China kamakailan lamang.
Inihayag din ni Rear Admiral Trinidad na ang presensiya ng dalawang barkong pandigma ng Amerika na namataan sa lugar ay innocent passage bilang parte ng karapatan para sa kalayaan sa paglalayag.
Matatandaan, namataan ang mga barkong pandigma ng Amerika na USS Higgins at USS Cincinnati isang araw matapos ang insidente ng banggaan sa pagitan ng People’s Liberation Army Navy (PLA-N) warship at China Coast Guard vessel 3104 habang hinahabol ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG).