Ipinahayag ng Palasyo ng Malakanyang ang pangakong proteksyon at kaligtasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lahat ng mga miyembro ng media sa Pilipinas.
Sinabi ito ni Office of the Press Secretary officer-in-charge Usec. Cheloy Garafil sa isang dayalogong ginanap ngayong araw sa pagitan ng Department of the Interior and Local Government, Philippine National Police, at ilang mga mamamahayag na dumalo sa naturang pagtitipon.
Kasunod ito ng biglaang pagbisita ng mga pulis sa mga tahanan ng ilang mga mamamahayag na nagdulot naman ng alarma at pangamba sa kanila.
Ayon kay Garafil, makakaasa ang mga miyembro ng media na patuloy ang pagkilala ng pangulo sa kahalagahan nito bilang isang importanteng bahagi ng demokrasya sa ating bansa.
Sa kaparehong pahayag ay sinabi niya na “committed” si Pangulong Marcos sa pagbibigay ng proteksyon at seguridad sa hanay ng mga mamamahayag sa Pilipinas upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito.
Kasabay ng pagbibigay-diin na para sa kapakanan at kaligtasan lamang ng mga ito ang layunin ng pulisya sa ginawang pagbisita sa gitna ito ng mainit na kaso ng pagpatay sa ilan pang mga mamamahayag sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.
Kung maalala, una rito ay humingi na rin ng paumanhin si Interior Secretary Benhur Abalos sa lahat ng miyembro ng media hinggil sa naturang usapin kasabay ng pagbibigay-diin na handang agad na rumesponde ang pulisya sa oras na makatanggap ng banta o makaramdam ng panganib para sa pansariling kaligtasan ang buong hanay ng mga mamamahayag.