Umabot na sa P323.15 million ang halaga ng pinsalang inabot ng agriculture sector sa bansa dahil sa magkakasunod na kalamidad.
Batay sa report na inilabas ng Department of Agriculture (DA) Disaster Risk Reduction and Management Operations Center, naka-apekto ito sa kabuuang 14,772 magsasaka at mga mangingisda.
Ang naturang halaga ay katumbas ng 10,595 metriko tonelada ng mga agri products at naka-apekto sa kabuuang 15,868 ektarya ng mga sakahan.
Pangunahing naapektuhan dito ang mga magsasaka mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, at Soccksargen region.
Malaking porsyento nito ay mula sa rice industry na nagtamo ng mahigit P212 million o katumbas ng halos 66%. Sumunod dito ang high value crops na nagtamo na ng halos 83 milion na halaga ng pinsala.
Patuloy ang ginagawang field validation at assessnemnt sa mga lugar na natukoy na apektado at tuloy-tuloy na nakakaranas ng malawakang pagbuhos ng ulan at pagbaha kaya’t inaasahang magbabago pa ang naturang datus.
Nakapaglaan na rin ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ng inisyal na P268 million na halaga ng indemnification para sa kabuuang 45,980 magsasaka na unang nakapagpa-seguro.
Nakaganda rin ang Quick Response Fund (QRF) ng DA para sa mga serye ng rehabilitasyon at recovery efforts sa mga lugar na labis na napinsala sa magkakasunod na kalamidad.