-- Advertisements --

DAVAO CITY – Hinangaan ng lokal na pamahalaan ang naging hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos na mag-comply din sa mga requirement nang dumating ito sa lungsod at bago lumabas sa Davao International Airport nitong nakaraang araw.

Kabilang dito ang pagpresenta ng 24 to 72-hour negative reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test result, na isa sa patakaran sa mga ordinaryong pasahero.

Ito ang kinumpirma mismo ng kanyang anak na si Mayor Inday Sara Duterte-Carpio.

Ayon sa alkalde, magandang ehemplo ang ginawa ng Pangulo na dapat tularan ng iba.

Pagpapatunay lamang aniya ito na walang “exempted” na pasahero sa mga requirement at guidelines na ipinatupad para maprotektahan ang mga residente sa lungsod at mga katabing probinsiya.

Kung maaalala, maliban sa pagdala ng negative RT-PCR test result ng mga pasahero, maaari rin na maka-avail ng libreng RT-PCR testing ang mga ito pagdating nila sa Davao Airport ngunit kailangan muna nilang hintayin ang resulta bago payagan na makalabas o makauwi.