LEGAZPI CITY – Inaabangan na ng mga Albayano ang pagtungo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lalawigan ng Albay ngayong araw matapos ang pananalasa ng bagyong Tisoy.
Napag-alamang personal na mag-iikot ang Pangulo at mag-iinspeksyon sa pinsalang dulot ng sama ng panahon sa Legazpi City airport.
Pangungunahan din nito ang joint regional and disaster coordinating council meeting sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bicol Regional Development Council chairman and Legazpi City Mayor Noel Rosal na sakaling makausap ang Pangulo, pangunahing hihilingin nito ang housing assistance matapos na ilan sa mga kabahayan ang totally damaged at inabot ng storm surge o taas ng alon mula sa Albay Gulf.
Ayon sa paunang ulat ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), nasa higit 500 kabahayan ang critically damaged at aabot sa 100 ang totally damaged habang tuloy-tuloy pa ang pasok ng mga report.
Isinailalim na rin ang lalawigan sa state of calamity mula pa kahapon.
Batay sa tala ng Office of the Civil Defense (OCD) Bicol, umabot na sa higit P667 million ang initial damage assessment na dulot ng bagyo sa Sorsogon pa lamang.
Higit 6,000 rinnang kabahayang nasira sa Sorsogon at CamSur.
Samantala maliban kay Pangulong Rodrigo Duterte, nabatid na maghahatid rin ng kaukulang tulong sa magiging pagbisita nito sa kababayan sa Albay, Sorsogon at Camarines Sur si Vice President Leni Robredo sa araw ng Sabado, Disyembre 7.