-- Advertisements --

Pinasalamatan ng nagbitiw na kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) na si Amenah Pangandaman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa tiwala at pagkakataong binigay sa kaniya para makapaglingkod sa taumbayan sa loob ng mahigit tatlong taon.

Sa isang statement, kinumpirma ng kalihim ang kaniyang hindi mababawi nang pagbibitiw bilang kalihim ng Budget Department nang may sinserong hangarin na mapanatili ang integridad sa serbisyo publiko.

Naniniwala si Pangandaman na ito ang pinaka-marangal na hakbang upang maipagpatuloy ng ating bansa ang pag-usad nang may kalinawan at pagkakaisa.

Binanggit din niya ang mga nagawang reporma sa kanyang termino kabilang ang itinuturing na “biggest anti-corruption law” sa modern history ng Pilipinas na New Government Procurement Act, gayundin ang Government Optimization Act, Philippine Open Government Partnership, modernisasyon ng Public Financial Management gamit ang digital tools at Project DIME.

Pinrotektahan din niya ang investments sa edukasyon, social protection, climate resilience, BARMM autonomy, Women, Peace, and Security, at kapakanan ng mga kawani ng gobyerno.

Itinuturing din ni Pangandaman bilang pinakamalaking karangalan sa kaniyang buhay ang maging kauna-unahang Muslim Budget Secretary at Filipina Secretary sa Gabinete.

Ipagpapatuloy din niya ang kaniyang suporta sa Pangulo sa pribadong kapasidad dahil ang puso niya ay mananatiling nakatuon sa paglilingkod sa Pilipino.

Nagpasalamat rin si Pangandaman sa kanyang pamilya sa DBM at sa mga katuwang sa gobyerno, civil society, academe, at pribadong sektor.

Matatandaan, kinumpirma ng Malacañang nitong Lunes na boluntaryong nagbitiw sina Pangandaman at Executive Secretary Lucas Bersamin bilang delicadeza matapos makaladkad ang kanilang pangalan sa imbestigasyon sa flood control projects, subalit kapwa nila itinangging sangkot sila sa katiwalian.