Hindi kinokonsidera ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na mag-inhibit bilang presiding officer sa nakaambang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Tugon ito ng senador sa panawagan ng ilang progresibong grupo na dapat bumaba sa pwesto si Escudero bilang presiding judge sa paglilitis kay Duterte dahil sa umano’y pagiging “bias” nito at patuloy na pagantala ng impeachment proceedings.
Giit pa nito, klaro na ang grupo ay pabor na i-impeach ang bise presidente kaya hindi niya raw ito pakikinggan.
Kanina, nagkilos-protesta sa labas ng Senado ang Samahan ng Progresibong Kabataan para ipanawagan ang pag-inhibit ni Escudero sa impeachment trial laban kay VP Sara.
Nagsumite ang grupo ng isang open letter na nilagdaan ng 24 na student councils at academic organizations mula sa iba’t ibang state and private universities.
Tinanggap ito ng isang kawani mula sa opisina ni Escudero dahil hindi pinayagang makapasok sa gusali ng Senado ang mga miyembro ng SPARK
Ayon kay Miguel Basuel, tagapagsalita ng grupong SPARK, ang pag-inhibit ni Escudero ay magbabalik ng tiwala ng publiko sa proseso ng impeachment.
Nagtali rin ng mga pulang ribbon sa gate ng Senado ang mga lider-estudyante bilang panawagan para sa pag-inhibit ni Escudero.