-- Advertisements --

Inamin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na nasa supermajority ng mga senador ang tatalima sa desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Estrada, base ito sa ipinapakitang body language at mga pahayag ng mga senador na dapat sundin ang ipinag-uutos ng Kataas-taasang Hukuman.

Ayon pa sa senador, sa Agosto 6 ay nakatakdang pagbotohan ng Senado sa plenaryo kung igagalang ba o hindi ang desisyon ng Korte Suprema, kahit hindi pa lumalabas ang pasya ng Korte sa motion for reconsideration ng Kamara.

Gayunpaman, posible pa rin umanong ipagpatuloy ang impeachment case kung sakaling baligtarin ng Korte Suprema ang nauna nitong desisyon at hindi tuluyang ibasura ang kaso laban sa Bise Presidente.

Nanindigan naman si Estrada na hindi siya lalagda sa pinaiikot na draft resolution ni Senador Kiko Pangilinan na humihiling na muling repasuhin ng Korte Suprema ang naging hatol nito sa articles of impeachment laban kay VP Sara.

Sa naturang resolusyon, apat na ang lumagda: sina Senators Risa Hontiveros, Bam Aquino, Tito Sotto, at Kiko Pangilinan.

Paliwanag ni Estrada, kahit maganda pa ang pagpapaliwanag nila, masusunod pa rin aniya ang Korte Suprema—maliban na lamang kung maghain ng motion for reconsideration ang Kamara at mabaligtad ang desisyon, at doon lamang sila tatalima.