-- Advertisements --

Inamin ni Senador Kiko Pangilinan na matagal na siyang nakikipag-ugnayan sa ilang mga senador simula pa noong ika-apat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28, kaugnay ng kanyang inihahandang resolusyon 

kasama sina Senators Risa Hontiveros at Bam Aquino kung paano maaaring ituloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Una nang naglabas ng joint statement ang tatlo na kumukuwestiyon sa desisyon ng Korte Suprema na nagpapatigil sa impeachment trial ng bise presidente.

Sa ngayon, nilagdaan na ang resolusyon nina Pangilinan, Aquino, Hontiveros, at Senate Minority Floor Leader Vicente Sotto III.

 Hindi pa ito pormal na inihahain at kasalukuyan pang nirerepaso ng ibang mga senador.

Batay sa obserbasyon ni dating Supreme Court Justice Adolf Azcuna, sinabi ni Pangilinan na hinihikayat ng resolusyon ang Korte Suprema na “isaayos o i-harmonize” ang tila magkasalungat na probisyon ng Saligang Batas, dahil ayon sa prinsipyo ng constitutional construction, ang pagbibigay-kahulugan sa isang probisyon ng Konstitusyon ay hindi dapat magpawalang-bisa sa iba pang probisyon nito.

Ipinaliwanag ni Pangilinan na ang Kamara, sa pag-impeach kay Duterte at sa pagsumite ng Articles of Impeachment sa Senado noong Pebrero, ay kumilos batay sa naunang desisyon na nagsasabing ang impeachment proceeding ay “initiated” kapag ang isang verified complaint ay nairefer sa House Committee on Justice.

Ayon sa desisyon ng Korte Suprema, ang hindi pagre-refer sa unang tatlong reklamo ay katumbas ng dismissal, kaya’t ang impeachment batay sa ika-apat na reklamo ay lumabag sa one-year bar rule.

Nakatakdang magpulong ang Senado sa Agosto 6 upang talakayin ang epekto ng desisyon ng Korte Suprema sa impeachment trial laban kay Duterte.