-- Advertisements --

Tiniyak ng economic managers na tinututukan na nila ang mga akmang hakbang upang tugunan ang pananamlay ng Philippine peso.

Kasunod ito ng lalo pang paglubog ng halaga ng piso kontra dolyar matapos magsara kahapon ang palitan sa panibagong all-time low na P59.17 kada dolyar.

Mas mababa ito kumpara sa dating record na P59.13 noong Oktubre 28.

Wala pang inilalabas na bagong pahayag ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ngunit una na nitong sinabi na maaaring repleksyon ito ng pangamba ng merkado sa posibleng pagbagal ng ekonomiya bunsod ng mga kontrobersiya sa ilang malalaking infrastructure projects.

Ayon sa mga ekonomista, ang patuloy na paghina ng piso ay may epekto sa presyo ng mga bilihin, lalo na’t umaasa ang bansa sa importasyon ng langis, pagkain, at iba pang pangunahing produkto.

Kapag mahina ang piso, mas mataas ang halaga ng dolyar na kailangan para makabili ng mga inaangkat na produkto, na nagdudulot ng dagdag na pasanin sa mga konsyumer.

Sa kasaysayan, ang piso ay nakaranas na rin ng malalaking pagbaba tuwing may global financial crisis o iba pang internal factors.