-- Advertisements --

Dumipensa si dating Executive Secretary Lucas Bersamin sa paratang laban sa kaniya na konektado siya sa higit P8 bilyong “allocable” funds ng DPWH sa ilalim ng 2025 budget.

Ayon kay Bersamin, ang tag na “ES” sa tinaguriang Cabral Files, na nag-uugnay sa ilang opisyal sa kontrobersyal na budget insertions, ay hindi tumutukoy sa kanya.

Mariin niyang sinabi na hindi niya kailanman inaprubahan, hiningi, o pinahintulutan ang anumang DPWH project o budget allocation.

Iginiit rin niya na hindi niya sinabihan ang sinuman na gamitin ang kanyang pangalan para rito.

Kaugnay nito, nanawagan si Bersamin sa mga imbestigador na masusing suriin ang Cabral Files upang matukoy ang mga nasa likod ng manipulasyon sa budget. Sinabi rin niya na handa siyang makipagtulungan sa anumang lehitimong imbestigasyon.

Ang kontrobersya ay nag-ugat sa tinaguriang Cabral Files, na umano’y ibinigay ni yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral kay Rep. Leandro Leviste, na nag-uugnay sa ilang opisyal sa budget insertions ng DPWH.