-- Advertisements --

Hinahayaan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang halaga ng piso ay itakda ng puwersa ng merkado, ayon sa pahayag ng ahensya.

Bagama’t may mga pagkakataong nakikilahok ang BSP sa merkado, nilinaw nitong layunin lamang nito ang pagpakalma sa mga paggalaw ng palitan na maaaring magdulot ng implasyon sa paglipas ng panahon, at hindi upang pigilan ang araw-araw na pagbabago ng halaga ng piso.

Ang kamakailang paghina ng piso ay maaaring bunga ng pangamba ng merkado sa posibleng pagbagal ng paglago ng ekonomiya, dulot ng kontrobersya sa paggastos para sa imprastruktura, gayundin sa inaasahang karagdagang pagpapaluwag sa patakaran sa pananalapi ng BSP.

Sa kabila nito, nananatiling matatag ang piso dahil sa tuloy-tuloy na daloy ng remittance mula sa mga overseas Filipino workers, mabilis pa ring pag-unlad ng ekonomiya, mababang antas ng implasyon, at nagpapatuloy na mga repormang pang-istruktura.

Dagdag pa rito, ang mga kita mula sa business process outsourcing (BPO), turismo, at remittance ay nagsisilbing panangga laban sa mga panlabas na salik na maaaring makaapekto sa ekonomiya. (report by Bombo Jai)