-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Inamin ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture (DA) Region 2 na nagalit siya matapos malaman sa Bombo Radyo Cauayan na hindi naipamahagi sa mga magsasaka sa Baggao, Cagayan ang 100 sako ng abono na ibinigay nila para sa dry season.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Edillo na tinawagan niya si Municipal Agriculture Officer (MAO) Benima Tacla ng Baggao, Cagayan at kinumpirma na hindi naibigay ng local government units (LGU) Baggao ang mga abono dahil hindi umano kinuha ng mga magsasaka.

Ayon kay Ginoong Edillo, inirekomenda niya na ang mga tumigas na abono ay durugin at ilipat sa ibang sako.

Kung bumaba aniya ang efficacy ng abono ay kaunti lang dahil may plastic ito bago ang sako.

Iginiit ni Edillo na kung inayawan ng mga magsasaka ang abono noong dry season, dapat silang pinapirma ng waiver at ibinigay sa ibang magsasaka na nakatala sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).

Inamin aniya ng MAO na may pagkukulang sila dahil ang alam nila ay babalikan ng mga magsasaka ang mga abono.

Sinabi pa ni Ginoong Edillo na pinapunta niya sa bayan ng Baggao ang investigation team ng DA Region 2 para alamin kung bakit napabayaan ang mga abono na inimbak sa gymnasium ng munisipyo at hindi nila ipinamigay sa mga magsasaka na nasa kanilang masterlist.

Kung mapatunayan aniyang nagkaroon ng kapabayaan ay kailangang magpaliwanag ang LGU at palitan ang mga abono mula sa kanilang pondo.

Dahil sa nangyari sa Baggao ay magiging istrikto na ang DA Region 2 at kailangan na silang humingi ng mga larawan kung naibigay sa mga magsasaka ang mga natanggap na abono o binhi.

Nilinaw ni Ginoong Edillo na iba ang DA sa Municipal Agriculture Office dahil ito ay nasa ilalim ng LGU habang ang DA ay nasa ilalim ng pambansang pamahalaan.

Trabaho aniya ng LGU na ipamahagi sa mga mag