KALIBO, Aklan – Wala pang matibay na ebidensiya na ang ikinamatay ng 24-anyos na Aklanon na guro sa isang pampublikong paaralan sa Maynila ay coronavirus disease o Covid-19.
Ayon sa pamilya ng guro na tumanggi munang magpakilala na wala pang resulta ang ginawang Covid testing sa kanya may dalawang linggo na ang lumipas.
Subalit, itinuturing itong suspected Covid 19 patient dahil sa mga nakitang sintomas.
Kahapon ay na-cremate na ang bangkay ng guro at nakatakdang iuwi ang kanyang abo sa Aklan.
Humingi ng tulong sa Bombo Radyo ang pamilya ng pasyente matapos na kumalat sa social media na ang nakamamatay na virus ang sanhi ng kanyang pagpanaw.
Sinasabing noong Marso 23 ay nag-grocery ang pasyente at makaraan ang ilang araw ay nakaramdam siya ng sore throat o pananakit ng lalamunan.
Ilang hospital din ang pinagdalhan sa kaniya na tumangging gamutin ito hanggang sa nakaabot sila sa Taguig medical center at na-admit siya sa loob ng dalawang linggo ngunit sa kasamaang palad ay binawian rin siya ng buhay sa gitna ng pakikipaglaban sa sakit.