KALIBO, Aklan – Binatikos ni Kabataan party-list Rep. Atty. Renee Co si Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa mungkahi nito na buwagin na ang Sangguniang Kabataan dahil sa katiwalian na kinasasangkutan ng dalawang SK chairman sa Makati City.
Ayon sa kanya, matagal na nilang itinutulak na ang political dynasty ang dapat na buwagin.
Kadalasan umanong walang nagiging choice ang kabataan at napipilitan na lang na sumailalim sa bulok na sistema.
Magugunita na iminungkahi ni Remulla ang pag-abolish sa SK matapos suspendehin ang dalawang SK chairman sa Makati City dahil sa pagkakasangkot umano ang mga ito sa katiwalian o korupsyon.
Maituturing aniyang hipokrito ang gobyerno na tatanggalan ng espasyong mamuno ang mga kabataan dahil sa korapsyon habang bulag-bulagan sa matagal nang sistema ng korapsyon sa Malacañang.
Tila nilalahat umano ni Remulla ang SK officials gayung dalawa lamang sa mahigit 42,000 SK Chairman sa buong bansa ang isinasangkot sa katiwalian.
















