-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Nanawagan si Prof. Danilo Arao ng University of the Philippines College of Mass Media and Communication na suportahan ang independent at impartial investigations ng Commission on Human Rights at iba pang credible human rights organizations kaugnay sa anti-insurgency operation sa Toboso, Negros Occidental na ikinamatay ng 19 katao, kabilang umano ang dalawang estudyante ng University of the Philippines (UP) at isang lokal na mamamahayag noong April 19 hanggang 20.

Giit nito na dapat managot ang militar sa kanilang ginawa sa UP student na si Alyssa Alano, na nagsilbing education and research councilor ng UP Diliman University Student Council at Maureen Santuyo gayundin sa peryodistang si RJ Ledesma.

Hiling nila na mailatag ang katotohanan at buong detalye ng insidente, gayundin ng sapilitang paglilikas sa 653 katao.

Aniya, hindi dapat basta tanggapin ang salaysay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang mga nasawi ay armadong nakikibaka at pawang mga miyembro ng New People’s Army (NPA).

Mapa-combatant o non-combatant, ang lahat umano ay may karapatan, kung saan, malinaw na nalabag ang karapatang pantao ng mga pinatay ng militar.

Nauna dito, sinabi ng NPA na maliit na bilang lang ng mga rebelde ang napatay noong Abril 19 na operasyon, kung saan karamihan sa mga nasawi ay mga sibilyan at tagapagtanggol ng karapatang pantao.

Depensa naman ng AFP na isang legitimate military operation ang nangyaring serye ng mga engkwentru.