-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nagpapatuloy ang mga makulay at masiglang aktibidad sa Isla ng Boracay sa bayan ng Malay, Aklan sa pagdiriwang ng Love Boracay 2026 na nagsimula noong Abril 24 at magtatapos sa Mayo 3.

Ang Love Boracay ay isang engrandeng pagdiriwang na pinagsama ang pinakamagagandang karanasan ng tag-init sa pamamagitan ng iba’t ibang water sports activities sa isa sa pinakatanyag na tourism destination ng bansa.

Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay-Boracay Tourism Office, bilang pinakamalaking selebrasyon tuwing tag-init sa isla, dinarayo ang Love Boracay dahil sa kaakit-akit nitong alok ng pinong puting buhangin, at makulay na tugtugin na nagsisilbing entablado para sa mga hindi malilimutang beach party, music festival, at iba’t ibang aktibidad sa baybayin.

Dagdag pa ni Licerio, taglay nito ang masiglang enerhiya at kahanga-hangang tanawin ng dalampasigan, nag-aalok ang Boracay ng bakasyon na perpekto para sa mga naghahanap ng kasiyahan at stress-free environment.

Kabilang sa mga tampok na aktibidad ang Dragon Boat Race, mga beach party, at iba’t ibang paligsahang pampalakasan na sumasalamin sa diwa ng saya, galaw, at pagkakaisa sa buong selebrasyon.