LAOAG CITY – Bineberipika pa sa ngayon ng CIDG, PNP-Laoag at City Social Welfare and Development Office (CSWDO) kung totoo ang akusasyon laban sa dating alkade dito sa lungsod na si Chevylle Fariñas na hindi umano nito binibigay ang sahod ng mga kanilang mga kasambahay.
Ayon sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Laoag, nagreport umano sa pulisya ang pamilya ng mga kasambahay mula sa Cagayan dahil sa sitwasyon ng mga ito at kung nagsisilbi pa sila sa mga Fariñas.
Lumalabas na simula noong 2019 ay hindi pa nakakatanggap ng sahod, walang day-off at hindi umano nakakalabas sa bahay ng mga Fariñas ang mga kasambahay na dalawang 14-anyos, dalawang 19-anyos at isang 18-anyos.
Sinabi ni PLt. Col. Amador Quicho, Chief of police ng PNP Laoag na matapos ang ilang oras na paghihintay nila sa labas ng bahay ng dating alkalde ay pinapasok ng pamilya ang mga kasapi ng CSWDO.
Ngunit natuklasan ng mga ito na wala na ang mga kasambahay sa poder ng pamilya Fariñas dahil naihatid na nila sa Cagayan.
Samantala, makikipag-ugnayan naman ang CSWDO sa Department of Social Welfare and Development sa Cayagan para sa beripikasyon at kung nakauwi na ang mga kasambahay.