-- Advertisements --

LAOAG CITY – Itinali na ng mga residente ng Barangay 33-A, Lapaz, Laoag City ang bubong ng kanilang mga bahay dahil sa posibleng paglakas ng hangit na dulot ng Bagyong Paolo.

Ayon kay Konsehal Resty Dela Cruz sa naturang barangay, tinatali ng mga residente ang bubong ng kanilang mga bahay bilang bahagi ng paghahanda sa Bagyo.

Sinabi nito na tuwing may paparating na bagyo ay tinatali na nila ito dahil naranasan na nilang matangayan ng hangin ang bubong ng kanilang bahay.

Maliban dito ay naghahanda rin sila ng mga kailangan sa loob ng bahay kahit wala pa ang bagyo.

Hinggil dito, pinayuhan din niya ang mga residente na sundin kung may abiso ng paglikas.

Samantala, sinabi ni dating Brangay Chairman Gil Ramos sa Barangay Gabu Sur dito sa Lungsod ng Laoag na nangangamba sila sa posibleng pag-agos ng malakas na tubig kung sakaling lumakas pa ang bagyong Paolo dahil maapektuhan ang kanilang mga fish cages.

Aniya, umabot sa mahigit 100 libong mga tilapiya ang alaga nila sa ngayon, maliban pa sa ibang uri ng isda na kanilang inaalagaan.