-- Advertisements --

Nakatakdang Bumiyahe si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. patungong Busan at Gyeongju, South Korea sa darating na October 30 hanggang November 2,2025 upang dumalo sa ika-32 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit 2025, batay sa imbitasyon ni Korean President Lee Jae-myeong ng Republic of Korea.

Ang taunang pagpupulong ay may temang “Building a Sustainable Tomorrow: Connect, Innovate, Prosper”, na layuning palakasin ang ugnayan at inobasyon sa rehiyon para sa mas matatag at maunlad na ekonomiya.

Kasama ni Pangulong Marcos ang mga lider at kinatawan mula sa 21 APEC member economies, kung saan tatalakayin ang mga isyung pangkabuhayan, inobasyon, at kooperasyon sa Asya-Pasipiko.

Ayon sa Malacañang, sentro ng paglahok ni PBBM ang pagtataguyod ng pambansang interes ng Pilipinas, pagpapalalim ng ugnayan sa mga kasaping bansa, at muling pagpapatibay sa APEC Vision tungo sa isang maunlad at dinamikong rehiyon.

Inaasahang magbubunga ang dalawang sesyon ng APEC Economic Leaders’ Meeting ng apat na mahahalagang dokumento — kabilang ang Leaders’ Declaration at tatlong pahayag hinggil sa Artificial Intelligence (AI), demographic change, at cultural creativity, na tumutugma sa mga temang itinakda ng South Korea bilang host.

Magbibigay din ng talumpati si Pangulong Marcos sa APEC CEO Summit, na dadaluhan ng mga lider, kinatawan, at negosyante upang talakayin ang mga pangunahing isyung pang-ekonomiya sa rehiyon.

Bilang bahagi ng kanyang biyahe, nakatakda ring makipagkita si PBBM sa Filipino community sa Busan, kung saan tinatayang may 70,000 Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa South Korea.