LAOAG CITY – Natagpuang palutang-lutang ang bangkay ng isang lalaki sa Padsan River sa Barangay 33-B, Lapaz, Laoag City.
Kinilala ang biktima na si Mario Sahagun, 45, walang asawa at residente ng Brgy. Sagpatan sa bayan ng Dingras dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Napag-alama na una nang naiulat na nawawala si Sahagun sa Brgy. Sagpatan sa bayan ng Dingras na huling nakita noong gabi ng Oktubre 2 ngayong taon.
Kaugnay nito, sinabi ng isang mangingisda na si Mr. Samuel Borja na habang siya ay naghahanda sa pangingisda, kinausap siya ng kanyang mga kabarangay upang tingnan kung tao ang nakita nilang lumulutang sa ilog.
Sinabi niya na sa pagtungo nito sa nasabing ilog ay nakumpirma nito na bangkay ng tao ang nakitang lumulutang at ito ay nakadapa kaya agad nitong ipinaalam sa isa sa kanilang mga konsehal.
Samantala, sinabi ng dating kapitbahay ng biktima na si Mrs. Leticia Antonio na nagtungo si Sahagun sa isang lamayan sa sentro ng bayan ng Dingras noong gabi ng Oktubre 2 at umuwi ng alas-11:00 ng umaga ngunit hindi na nakita at hindi na nakarating sa kanilang bahay mula noon.
Sinabi ni Antonio na nalaman nila na si Sahagun ay lasing habang pauwi mula sa lamayan at may ilog na dapat niyang tawiran bago makarating sa kanilang bahay.
Naniniwala naman ang mga kamag-anak ng biktima na walang foul play sa kanyang pagkamatay.