-- Advertisements --

Nanawagan ngayon ang Philippine Army sa mga pulitiko na maging responsable sa pag-anunsyo ng mga sensitibong impormasyon lalo na kung ito’y maaaring makaapekto sa pambansang seguridad.

Ito ang naging komento ni Col. Louie Dema-ala, tagapagsalita ng Philippine Army, sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu.

Ginawa nito ang pahayag kasunod na rin ng pagsasapubliko ng lokal na opisyal sa mga sensitibong proyekto ng gobyerno, partikular na ang isyu ng pagpapakita ng lokasyon ng isang missile storage facility sa lungsod ng Lapu-Lapu City.

Nauna nang umani ng batikos sa publiko ang naturang kontrobersiya matapos ibinahagi sa social media ang mga larawan ng isang tarpaulin kaugnay sa pasilidad na nagsasaad ng seremonya para sa groundbreaking ng pasilidad noong Pebrero 21, 2025.

Sa inilabas na pahayag naman ni Lapu-lapu City Mayor Cindi King- Chan na ang proyekto ay napag-usapan nang may transparency kahit noong siya ay kinatawan ng lone district ng lungsod.

Ayon kay Chan, kung may banta o isyung pangseguridad, agad sana itong ipinaabot ng Naval Forces Central (NAVFORCEN) sa lokal na pamahalaan at dumalo mismo sa groundbreaking ceremony ang ilang opisyal ng Navy kung saan nakapaskil ang tarpaulin.

Nakikiusap pa si Dema-ala sa mga ito na sana’y maging maingat sa mga bagay na isinapubliko dahil ang mga ganitong impormasyon ay may malalim na epekto sa pambansang seguridad.

Aniya, may mga bagay na pwedeng sabihin sa publiko at may mga bagay na kailangang itago dahil ito ay mayroong strategic implications.

Idinagdag pa niya na ang pag-iingat sa mga ganitong impormasyon ay mahalaga upang mapanatili ang ating “deterrence” o defensive posture laban sa mga banta sa ating soberanya at kaligtasan.

“Dapat maging responsable tayo sa pag-announce ng mga locations dahil ito ay nakakaapekto sa ating pambansang seguridad dahil ito ay mga strategic capabilities, strategic assets na kailangan din nating bantayan para naman mapanatili natin ang deterence – yung defensive posure against any threats para sa ating bansa at sa ating soberanya,” saad ni Col. Dema-ala.