Idineklara ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) na naging mapayapa at maayos ang pagdiriwang ng Undas 2025, batay sa ulat ng mga command center nitong Nobyembre 1.
Ayon kay PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., walang naitalang insidente sa mga sementeryo, terminal, at matataong lugar sa buong bansa.
Mahigit 50,000 pulis ang naipakalat simula Oktubre 30, katuwang ang AFP, PCG, at mga lokal na pamahalaan.
Samantala, iniulat ni PCG spokesperson Capt. Noemie Cayabyab na umabot sa mahigit 700,000 pasahero ang bumiyahe sa mga pantalan mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 1—mas mababa kumpara sa mahigit 2 milyong pasahero noong Undas 2024.
Ayon sa PCG, karamihan sa mga biyahero ay nagmula sa Cebu, Batangas, at Iloilo.
Dagdag pa ni Cayabyab, pinaigting ang pre-departure inspections at mahigpit na ipinatutupad ang mga patakaran laban sa overloading.
Patuloy rin ang deployment ng rescue swimmers, medical teams, at floating assets sa mga pantalan at baybayin upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero sa panahon ng Undas.













