Iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na dapat akuin ni Public Works Secretary Vince Dizon ang umano’y maling computation sa cost reduction ng mahigit 10,000 DPWH infrastructure projects para sa 2026, at hindi isisi sa Senado dahil mauuwi lamang ito sa deadlock o maaantala ang mga proyekto.
Ayon sa Senador, noong deliberasyon ng P6.793-trilyong 2026 national budget, mismong si Sec. Dizon ang mariing humiling ng 25% na bawas sa badyet ng DPWH o halos P54 bilyon, kaya ibinaba ng Senado ang pondo mula P624.4 bilyon ng Kamara sa P570.4 bilyon.
Saad pa ni Lacson na dapat munang aminin ng DPWH ang pagkakamali sa computation at pormal na humiling ng reconsideration.
Una na ngang nanindigan sina Senate President Vicente Sotto III at Senator Sherwin Gatchalian na ang DPWH ang may sala, dahil ang P45-bilyong na tinapyas ay base sa adjustment factors at datos na mismong ang DPWH ang nagbigay.
Babala naman ng Senado, kung walang pag-amin mula sa DPWH, maaaring maantala ang badyet at maapektuhan ang implementasyon ng mga proyekto.
Matatandaan, naantala ang bicameral conference committee (bicam) deliberations para sa 2026 budget dahil sa hindi pagkakasundo kaugnay sa naturang usapin.















