LEGAZPI CITY – Dismayado ang pamilya ng pinaslang na dating AKO-Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe matapos payagan ng korte na pansamantalang makalaya ang itinuturong mastermind ng krimen na si dating Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo sinabi ng anak ng kongresista na si Atty. Justin Batocabe na halo-halong emosyon ang nararamdaman ng kanilang pamilya ngayon kasunod ng desisyon ng korte.

Hindi umano matanggap ng pamilya Batocabe ang hatol ng Legazpi Regional Trial Court Branch 10 dahil non-bailable double murder at illegal possession of firearms and ammunition na kaso ni Baldo.

Kataka-taka rin daw para sa mga naulila ang tila hindi pagpansin sa testimonya ng mga saksi.

Matatandaang si Baldo ang itinurong mastermind sa pamamaslang kay Batocabe at sa police escort nito noong December 2018 habang nasa gitna ng gift-giving event sa Brgy. Burgos, Daraga, Albay.