Aminado ang Australian boxing star na si Jeff Horn na may ilang diskarte ang Mexican legend na si Juan Manuel Marquez na kanyang gagayahin sa laban niya kay Manny Pacquiao sa July 2.

Ayon kay Horn, pinag-aralan niya ng husto sa video ang ginamit na pamatay na suntok ni Marquez na siyang nagpatulog noon kay Pacman.

Liban dito, nakikita rin daw ni Horn ang isa sa kahinaan ni Pacman na masyadong naka-focus sa pag-atake na siyang ginagawa nitong opensa.

Ito umano ang dahilan kung kaya’t minsan ay nagiging bukas ang depensa ng eight division world champion.

“I will be trying to get him with that same shot if I possibly can. I’m working on all of the strategies and trying to see what’s going to work best on the night, but you don’t know until you step in there,” pahayag pa ng 29-anyos na si Horn sa ontheropesboxing.com.

Pero babala naman ng conditioning coach ni Pacman na si Justine Fortune na ngayon pa lamang makakaharap si Horn ng isang espesyal na boksingero na tinawag pa niyang “freak.”

Si Pacman umano ang klase ng boksingero na walang kapaguran sa training.

Ipinagmalaki pa ng Team Pacquiao na wala pa ring kapantay si Pacman kahit edad 38 na.

“He’s a freak. He’s 38 years old but he remains relentless and tireless. The hardwork and work rate of this guy is incomparable. That’s why he is so special,” babala pa ni Fortune.