-- Advertisements --

Nangako si World Boxing Council (WBC) welterweight champion Mario Barrios na hindi siya magpapakita ng awa kay 8-Division world champion Manny Pacquiao sa nakatakdang bakbakan ng dalawa.

Ayon kay Barrios, wala siyang planong gawin ang nangyari noong nagharap sina Jake Paul at Mike Tyson kung saan mistulang naawa ang bagitong boksingero laban sa boxing legend na si Tyson.

Sa halip ay ipapalasap umano ni Barrios ang bigat ng kaniyang kamao sa Filipino boxing icon.

Katwiran ni Barrios, kung nagkabaliktad sila ng posisyon ni Pacquiao, tiyak din aniyang hindi maaawa ang batikang boksingero sa kaniya.

Nanindigan din ang welterweight champion na walang lugar ang awa sa pinasok na sports, at handa umano siyang depensahan ang titulo, sinuman ang kaniyang haharapin.

Sa kasalukuyan ay 46 anyos na si Pacquiao habang ang makakalabang boksingero ay 30 anyos pa lamang.

Sa kabila ng pagiging mas beterano ni Pacquiao sa ibabaw ng ring, hawak ni Barrios ang ibang phisycal edge tulad ng pagiging mas matangkad at mas mahaba ang kamay.

Nakatakda ang laban ng dalawa sa Hulyo-20 (Phil. time).