Nilinaw ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na wala sa poder ng Malacañang ang pagdetermina kung nagpakita ng good moral behavior ang isang person deprived of liberty o preso gaya ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez na kasama sa mga posibleng magawaran ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) at mapalaya.
Sinabi ni Sec. Panelo na nasa kapangyarihan na ito ng Department of Justice (DOJ) at ng Boards of Pardon and Parole.
Binigyang-diin muli ni Sec. Panelo na wala siyang kinalaman sa nauna nang umugong na balitang posibleng paglaya ni Sanchez.
Ayon kay Sec. Panelo, hindi naman nilikha ang batas kaugnay sa Good Conduct Time Allowance sa ilalim ng Duterte administration, kundi naging batas ito sa panahon pa ni dating Pangulong “Noynoy” Aquino.
Iginiit ni Sec. Panelo na 1995 pa ay binitawan na rin niya ang paghawak sa kaso ni Sanchez.
Hindi rin daw nito masabi kung nagpakita ng good conduct si Sanchez sa gitna ng pagkakadiskubre noon ng isang kilong shabu sa kanyang selda at hindi pa pagbabayad ng danyos sa pamilya ng mga biktima.
Kaugnay nito, inirerekomenda ng ilang kongresista na pag-aralan muli ang Republic Act (RA) 10592 o ang conditional expanded GCTA sa gitna ng mga impormasyon na aabot sa mahigit 11,000 bilanggo ang posibleng makalaya dahil sa naturang batas.
Sinabi ni House Committee on Justice Vice Chairman Alfredo Garbin, maghahain siya ng resolusyon para maimbestigahan at matiyak na ang RA 10592 ay naipapatupad ng husto, kung saan tanging ang mga bilanggong nagpapakita lamang ng good behavior ang magbebenepisyo.
Iginiit ni Garbin na hindi dapat mapasama sa coverage nito ang mga nahatulang guilty sa mga karumal-dumal na krimen katulad ng convicted rapist at murderer na dating Calauan mayor.
Malinaw aniya sa record na hindi kwalipikado sa early release dulot ng good behavior si Sanchez dahil nakapagpuslit pa ito ng iligal na droga habang nakapiit sa New Bilibid Prison.
“To me certainly that admission go against good behavior,” sambit ni Garbin.
Lalo lamang din aniyang magdurusa ang pamilya ng mga nabiktima ng dating alkalde kung mapapalaya ito.
Samantala, maghahain din daw ng panukalang batas si ACTS-CIS party-list Rep. Eric Yap para amiyendahan ang batas upang makapagtakda ng criteria sa mga dapat makapag-avail nito.
Ayon kay Yap, nakikita na ang mga butas ng batas dahil para sa kanya ay hindi ito nararapat sa mga convicted sa heinous crimes tulad ng rape na may kasamang pagpatay.
Katunayan ay sumulat na ito kay Justice Sec. Menardo Guevarra para hilingin sa DOJ na irekonsidera ang pagpapalaya sa convicted rapist at murderer.
Sa kanyang liham, hiniling ni Yap kay Guevarra na aralin ng DOJ ang pagbibigay ng GCTA rule para sa pagpapalaya kay Sanchez sa ilalim ng RA 10592 ng Revised Penal Code.
Sinabi ni Yap na balak nilang maghain ng panukala para amyendahan ang RA 10592 para mabigyan ng criteria ang mga krimen na maaari lamang mapalaya sa bisa ng Good Conduct Time Allowance rule.
Sa panig ni Quezon City Rep. Ruffy Biazon, hindi akma sa kahulugan ng good conduct ang pagkakasabat ng shabu sa kubul ni Sanchez noong 2010.
Taong 1995 nang patawan ng seven counts ng reclusion perpetua o 40 taong pagkakabilanggo dahil sa pagkakapaslang sa mga estudyante ng University of the Philippines-Los Baños na sina Eileen Sarmenta at Allen Gomez. (with report from Bombo Dave Vincent Pasit)