Ipagpapatuloy ng Department of Health (DOH) ang pag-areglo sa mga dapat bayaran sa mga pribadong ospital alinsunod sa mga umiiral na batas at polisiya.
Ito ay sa gitna ng plano ng ilang pribadong ospital sa Batangas na suspendihin ang pagtanggap ng guarantee letters (GLs) dahil sa P500 million na halaga ng hindi pa nababayarang claims.
Sa isang statement, sinabi ni DOH spokesperson ASec. Albert Domingo na isa itong welcome development para i-highlight ang pagpapalakas ng halaga ng PhilHealth pays sa mga ospital sa mga nakalipas na buwan habang binabawasan ang haba ng oras ng pagaantay para mabigyan ng medikal na tulong.
Mas mainam din aniya ang pagbabayad ng hospital bill sa pamamagitan ng PhilHealth sa halip na sa pamamagitan ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program.
Sinabi pa ni ASec. Domingo na dapat pag-aralan ng mga ospital sa Pilipinas ang Universal Healthcare Act at palaging suriin ang kapasidad sa pagbabayad ng mga pasyente at ipasok sila sa basic o ward accommodation para sa zero balance billing, o i-refer sila sa kalapit na DOH hospitals o mga ospital ng gobyerno.