Tiniyak ng Department of Budget and Management ang mga supplier at contractor ng gobyerno na hindi na makakalusot ang mga modus gaya ng dummy bidding, palit-pangalan, at palit-ulo sa ilalim ng bagong Government Procurement Law o Republic Act 12009.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, bahagi ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na higpitan ang pagbabantay sa paggamit ng pondo ng bayan at tiyaking patas at tapat ang proseso ng bidding sa mga proyekto ng gobyerno.
Ayon sa DBM, Isa sa mga pangunahing probisyon ng batas ang mandatory disclosure of beneficial ownership information, kung saan kailangang ilantad ng mga kumpanyang sasali sa bidding kung sino talaga ang may-ari o may kontrol sa kanilang operasyon.
Layunin nitong maiwasan ang conflict of interest at masawata ang sabwatan sa public procurement.
Batay sa datos ng Government Procurement Policy Board–Technical Support Office, nasa 65.8% ng bidders sa nakaraang taon ang may common owners, habang 71.6% ang may kaugnayan sa mga opisyal ng gobyerno kaya’t itinuturing ng DBM na mahalaga ang bagong batas para maputol ang mga ganitong ugnayan.
Sa ngayon, halos kalahati pa lang ng mga kumpanyang rehistrado sa PhilGEPS Platinum ang nakapagsusumite ng beneficial ownership document na magiging batayan sa kanilang karapatang lumahok sa public bidding.
Kasabay ng pagpapatupad ng bagong batas, binubuo na ng DBM at mga katuwang na institusyon tulad ng World Bank at Open Ownership ang online registry ng mga bidder upang masubaybayan ng publiko at masiguro ang transparency sa lahat ng kontrata ng pamahalaan.