Nirerespeto ng Palasyo Malacañang ang independensiya ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kasunod ng pag-anunsiyo ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ng kaniyang desisyon na magbitiw bilang special adviser ng komisyon na nag-iimbestiga sa anomaliya sa infrastructure projects sa gitna ng agam-agam sa posibleng conflict of interest.
Sa isang pahayag ngayong Sabado, Setyembre 27, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez na nakakapanghinayang ang pagbibitiw ng alkalde, subalit ang demand aniya ng mamamayang Pilipino ang nananaig kesa sa sinuman.
Saad pa ng opisyal na ang ICI, na binubuo ng mga kilalang propesyunal na may hindi matatawarang integridad, ay agad sinimulan ang kanilang trabaho sa unang araw pa lamang nang walang sinasayang na oras.
Una naman nang nilinaw ni Mayor Magalong na walang conflict of interest sa kaniyang trabaho bilang isang local official at special adviser ng ICI.
Inihayag din ng alkalde na hindi naging madali ang kaniyang naging desisyon, bagamat naniniwala siyang ito ay kailangan.
Sa kabila naman ng pagbibitiw niya sa komisyon, hindi aniya natitinag ang kaniyang commitment para sa katotohanan at hustisiya at tiniyak sa publiko na ipagpapatuloy niya ang laban kontra korapsiyon.