Iginiit ng Malacañang na walang dapat ikahiya ang Pilipinas kung pag-uusapan ay ranking nito sa Western Pacific region kaugnay ng mga naitatalang kaso ng COVID-19.
Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa harap ng komento ni Sen. Francis Pangilinan na kahiya-hiya ang bansa kasunod ng inilbas na statement ng World Health Organization (WHO) na nangunguna ang Pilipinas sa bilis ng pagdami ng coronavirus sa rehiyon.
Sinabi ni Sec. Roque, walang dahilan para makaramdam tayo ng hiya dahil hindi naman talaga Pilipinas ang nangunguna sa Western Pacific region kung density ng COVID-19 ang isyu.
Ayon kay Sec. Roque, lumalabas nga na pang-anim ang Pilipinas sa mga bansa sa rehiyon na pinakamabilis na dumami ang kaso ng virus at suportado ito ng umano’y ebidensiyang hindi nagsisinungaling.
Kung ihahatiin umano ang kaso sa per million population, lalabas na ang pinakamataas sa Western Pacific region ay India (549,197), sumunod ang Pakistan (202,955), pangatlo ang Bangladesh (137,787) habang pumapang-apat naman ang Indonesia (54,010) na sinusundan ng Singapore (43,459 ) at pang-anim ang Pilipinas.
“Wala po, kasi nakita naman natin na kung titingnan natin iyong density of cases, eh hindi po tayo number one sa Western Pacific Region ‘no. Doon sa tanong mo, should we be more conservative? Well, palagi po nating binabalanse iyong kalusugan sa karapatan na magkaroon naman ng hanapbuhay. Ang tinitingnan po natin – case doubling rate, critical care capacity – alam po natin na kung hindi natin mapigil iyong pagdami ng numero, siguraduhin lang natin na mayroon tayong sapat na kakayahan para bigyan ng assistance iyong mga magkakasakit lalo na iyong magiging kritikal. So, again to reiterate, nothing to be ashamed of: in terms of density we are not number one in Western Pacific. Pero sa akin hindi naman po ito contest ‘no at ibabalik ko po iyan sa projection ng UP. Kung hindi po natin ginawa ang lahat ng hakbang na ginawa natin, sobra pa po sa 3 million ang COVID cases natin ngayon,” ani Sec. Roque.