Gumanti ng pag-atake ang Pakistan sa air bases ng India kasunod ng umano’y pagtama ng missiles mula sa huli sa kanilang tatlong air bases.
Ayon sa Pakistan Army, tinamaan nila ang maraming targets sa India at sa India administered na Kashmir.
Ilan sa mga Indian military targets na kanila umanong tinamaan ay ang Brigade Headquarters KG Top, Field supply depot Uri, Artillery Gun Position Derangyari, BrahMos battery site Nagrota, Udhampur airfield, Pathankot airfield at Suratgarh airfield.
Karamihan sa nasabing mga lokasyon ay malapit o nasa de facto border na naghahati sa pinaga-agawang Kashmir region sa pagitan ng New Delhi at Islamabad.
Kabilang sa mga airfield na nasa loob ng undisputed borders ng India ay ang Pathankot sa Punjab state, at Suratgarh sa Rajasthan state.
Ayon sa Pakistan military, naglunsad sila ng “eye for an eye” retaliation target ang Indian air bases na ginamit umano sa paglulunsad ng missiles laban sa Pakistan.
Sa ngayon wala pang komento ang panig ng Ministry of Defense ng India at Indian Air Force sa claim ng Pakistan.