Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules, Mayo 7, na walang Pilipinong nasawi sa isinagawang airstrikes ng India sa Pakistan.
Ayon sa DFA, patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon sa pagitan ng India at Pakistan at nananawagan ng mapayapang resolusyon sa sigalot. Kinumpirma rin ng Embahada ng Pilipinas sa Islamabad na ligtas ang mga Pilipino sa mga apektadong lugar.
Kasunod ng airstrikes na tinawag ng India na “Operation Sindoor,” na umano’y tumarget sa mga pasilidad ng terorista, iniulat ng militar ng Pakistan na 26 sibilyan ang nasawi.
Pinayuhan ng embahada ang mga Pilipino na iwasan ang paglalakbay sa bahagi ng Bhimber City, Azad Kashmir, Sialkot Line of Control, at mga lugar na limang milya mula sa border ng India at Pakistan.
Tiniyak ni DFA spokesperson Ma. Teresita Daza na walang Pilipino sa Bhimber at Azad Kashmir. Sa tala ng ahensya nasa 3,151 Pilipino ang nasa Pakistan, kabilang ang humigit-kumulang 30 Pinoy sa Sialkot, na malapit sa Jammu border. Karamihan sa kanila ay may asawa o pamilya ng mga Pakistani.
Samantala, may tinatayang 3,350 Pilipino naman ang nasa India.
Maalalang isinagawa ng India ang airstrike matapos ang pagpatay sa higit 20 sibilyan, na karamihan ay turista ng mga teroristang Kashmir noong nakaraang buwan, kung saan itinuturo ng India ang Pakistan bilang responsable sa karumaldumal na insidente na agad namang itinanggi ng Islamabad.