-- Advertisements --

Hinimok ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Chinese Embassy na nakabase dito sa Pilipinas na maging ‘constructive’ sa mga inilalabas nitong pahayag.

Ito ay kasunod ng mga serye ng pahayag na inilalabas ng embahada na bumabatikos sa ilang opisyal ng bansa, at hayagang pagpuna sa paninindigan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Sa mensaheng inilabas ni DFA spokesperson on Maritime Affairs Rogelio Villanueva Jr., nakasaad dito na pinapahalagahan ng ahensiya ang bukas at makabuluhang diskusyon kasama ang ibang mga bansa.

Bagaman may karapatan ang bawat embahada na maglabas ng kani-kanilang pahayag, umaapela ang ahensiya na gawin nila ito sa propesyunal at mahinahong paraan, salig sa prinsipyo ng ‘mutual respect’ na kailangang mamayani sa lahat ng mga diplomatikong relasyon.

Kasabay nito ay hinimok ng DFA ang Chinese Embassy na maging ‘constructive’ sa paglalabas ng pahayag o panatilihing propesyunal at mga statement, tungo sa isang mabunga at maayos na dayalogo, sa kabila ng malaking pagkakaiba.

Dapat din aniyang ito ay salig pa rin pagsusulong ng mas matatag na bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at China.

Una nang kinundena ng Senado ang mga pahayag ng embahada sa pamamagitan ng isang resolusyon ngunit mistulang binalewala lamang ito ng embahada matapos tawagin ang naturang hakbang bilang isang ‘political stunt’.